Araling Panlipunan Grade 9 – Quarter 3

Curriculum Guide

  • Paikot na Daloy ng Ekonomiya
    • Bahaging ginagampanan ng mga bumubuo sa paikot nadaloy ng ekonomiya
    • Ang kaugnayan sa isa’t isa ngmga bahaging bumubuo sa paikot na daloy ng ekonomiya
  •  Pambansang Kita
    • Pambansang produkto (Gross National Product- Gross Domestic Product) bilang panukat ng kakayahan ng isang ekonomiya
    • Mga pamamaraan sa pagsukat ng pambansang produkto
    • Kahalagahan ng pagsukat ng pambansang kita sa ekonomiya

Aralin 1: Paikot na Daloy ng Ekonomiya

Mga Modelo ng Pambansang Ekonomiya

Unang Modelo. Ang unang modelo ng pambansang ekonomiya ay naglalarawan ng simpleng ekonomiya. Ang sambahayan at bahay-kalakal ay iisa. Ang lumilikha ng produkto ay siya ring konsyumer. Ang supply ng bahay-kalakal ay demand nito kapag kabilang na ito sa sambahayan.

Simpleng Ekonomiya

Ikalawang Modelo. Ang pag-iral ng sistema ng pamilihan sa pambansang ekonomiya ang tuon ng ikalawang modelo. Ang sambahayan at bahay-kalakal ang mga pangunahing sektor dito. Sila ay binubuo ng iba’t ibang aktor. Sa puntong ito masasabing magkaiba ang sambahayan at bahay-kalakal.

May dalawang uri ng pamilihan sa pambansang ekonomiya. Ang unang uri ay ang pamilihan ng mga salik ng produksiyon o factor markets. Kabilang dito ang pamilihan para sa kapital na produkto, lupa, at paggawa. Ang ikalawang uri ay pamilihan ng mga tapos na produkto o commodity. Kilala ito bilang goods market o commodity markets.

Sa ikalawang modelo, ipinapalagay na may dalawang aktor sa isang ekonomiya-ang sambahayan at bahay-kalakal.

Ikatlong Modelo. Ang ikatlong modelo ay nagpapakita ng dalawang
pangunahing sektor-ang sambahayan at bahay-kalakal. Isinasaalang-alang ng sambahayan at bahay-kalakal ang kanilang mga desisyon sa panghinaharap.

Hindi ginagamit ng sambahayan ang lahat ng kita para sa pamimili. Hindi lang pangkasalukuyang produksiyon ang iniisip ng bahay-kalakal. Bukod sa pamimili at paglikha ng produkto, ang pag-iimpok at pamumuhunan ay nagiging mahahalagang gawaing pang-ekonomiya. Nagaganap ang mga nasabing gawain sa mga pamilihang pinansiyal (financial market).

Tatlo ang pamilihan sa ikatlong modelo. Ang mga pamilihan ay para sa salik ng produksiyon, commodity o tapos na produkto, at para sa mga pinansiyal na kapital.

Nag-iimpok ang mamimili bilang paghahanda sa hinaharap. Hindi nito gagastusin ang isang bahagi ng natanggap na kita. Ang bahagi ng kita na hindi ginastos ay tinatawag na impok (savings). Ito ang inilalagak sa pamilihang pinansiyal. Kabilang sa naturang pamilllihan ang mga bangko, kooperatiba, insurance company, pawnshop, at stock market.

Ikaapat na Modelo. Ang ikaapat na modelo ay tatalakayin sa susunod na pahina. Ito ang modelo ng ekonomiya kung saan ang pamahalaan ay lumalahok sa sistema ng pamilihan. Maaaring maliit at mabagal ang gampanin ng pamahalaan dito. Maaari namang malaki rin at aktibo ang pamahalaan dito.

Ikalimang Modelo. Sa naunang apat na modelo, ang pambansang ekonomiya ay sarado. Ang saradong ekonomiya ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga dayuhang ekonomiya. Ang tuon lamang ng mga naunang talakayan ay ang panloob na takbo ng ekonomiya. Ang perspektiba sa saradong pambansang ekonomiya ay domestik.

 

Leave a comment